Maligayang Kaarawan

Sa loob ng ilang limang taon, hindi ko nakasama ang Nanay ko sa kanyang kaarawan. Wala ako sa kanyang piling at hindi nakakatawag para mabati si Nanay. Hindi ko na mababalik ang lahat ng nakaraan, hindi dahil wala na sa piling namin si Nanay, ngunit naglipas na ang mga taong iyon. Naiisip ko ngayon na naging malungkot siya dahil hindi ako tumatawag at hindi nagpaparamdam. 



Masakit sa loob ko na hindi ako naging mabuting anak sa kanya, hindi ako nagpakita ng kabutihan, at naging pasaway na anak. Pero sa lahat nang ginawa ko, sa bawat pag-uwi ko ng Pilipinas ay pinaghahanda nya ako ng paborito kong ulam, humahalik at binibigay niya lahat sa akin ng gusto ko. Nagiging masaya si Nanay habang nasa Pilipinas ako, pero nahihirapan rin ang loob ko dahil alam ko ay nahihirapan na siya sa lahat ng hirap sa buhay. 

Nagsisisi ako na hindi ko pinahalagahan ang Nanay ko. Naging sakit ako sa ulo at pabigat sa buhay niya. At nung nalaman ko na na-ospital ang aking Nanay, nadama ko ang sakit ng loob ko na hindi ko na makakasama ang aking Nanay pang-habang buhay. 

At sa huli niyang hininga, sinabi ko sa kanya na Mahal ko siya at humingi ng patawad sa lahat nang aking nagawa. Oo, huli na ang lahat, sana dati ko pa nasabi sa Nanay ko ang lahat ng iyon. Nagpapasalamat ako na nahintay niya ako para kausapin siya bago siya binawian ng buhay. Doon ko naramdaman na wala na si Nanay, doon ko naramdaman na hindi ko na makikita muli si Nanay, doon ko naramdaman na hindi ko na makakausap si Nanay. 


Salamat po sa pagbibigay sa akin ng buhay, salamat po sa lahat ng pag-iintindi sa akin, salamat po sa lahat ng pag-titiis sa akin, salamat po sa pag-bibigay sa aking ng aral, salamat po sa lahat ng sakripisyo para sa akin, salamat po sa pagmamahal niyo sa akin. 

Maligayang Kaarawan po Nanay Dely. Mahal na mahal ko po kayo.

...galing po sa nagiisa niyong anak na lalaki, Brian.



Comments

Popular Posts